| Ang Mga Hatid Na Aral Ng Mga Kalat Sa Dalampasigan |
[21 Sep 2009|01:58pm] |
Sa araw na ito, pinagdiriwang ang International Coastline Clean-up. Dahil diyan, nagdesisyon ang team na hakutin ang mga basura sa Manila Bay.Nagsimula ang paglilinis na parang walang sistema, walang patutunguhan. Kung anong mapulot mo, pulutin mo na, wa-i na choosy ang tema nung una. Pero ang dami ng kalat, at nasabi nga nung nasa harap ko, itago natin siya sa pangalan na Shino Camasho (hindi niya tunay na pangalan), "Are we making a difference? Surface lang nililinisan natin?" Oo nga naman, parang masyadong superficial, may mas malalim na problema, na kahit anong gawin mong pag-aayos sa surface, hindi na mareresolba.Pero tinuloy pa rin namin. Para mapadali ang buhay namin, nag-device kami ng napaka ingenious na strategy, si Shino ang manghihila ng mga kalat gamit ang sagwan, at ako naman ang pupulot at mangongolekta ng mga kalat na nasungkit ng sagwan niya. "Aba, andami niyo nang napulot ah," sabi ni Ocns, na nasa tabi ni Shino. "Siyempre, teamwork eh," sagot ko. "Dapat kasi may kasama ka, hindi pwedeng mag-isa ka lang. Mahirap na mag-isa ka, kahit akala mo sa una madali lang," dagdag ni Shino, na natilamsikan sa mukha ng tubig alat, na sa unang tingin parang lumuluha lang. Dahil sa gumagalaw ang bangka, may mga kalat na malayo. Akala mo dahil nakikita mo kaya mong abutin. Mali ka. Hindi mo nga naman masisi ang sarili mo na hindi ka pinainom ng Cherifer ng nanay mo nung bata ka pa, at kahit anong gawin mo, hindi na hahaba ang kamay mo, at kahit anong gamit mo ng sagwan, hindi talaga kayang abutin. Some things are really out of your reach, no matter how hard you try. Tao lang, nagkakamali rin, WHAT?May mga kalat na malalaki, yung mga malalaking supot ng SM, madaling kunin, yun pero meron naman yung mga maliliit tulad ng seasoning pack ng Lucky Me, medyo tricky. Minsan hawak mo na, pero dumudulas pa sa mga kamay mong may gloves (dahil for some reason, ang arty arty mo today at ayaw mong madumihan ang kamay mo, eh kanina pa kayo sumasagwan sa Manila Bay at malamang sa hindi eh nainom mo na yung tubig). Shet, akala mo hawak mo na. Sinubukan mong kunin ulit, pero, pero hindi, malayo na siya, ang layo layo na niya. In life it's not always about trying and trying, "sometimes it's also about letting go" (Shino Camasho, 2009). Baka may ibang nararapat na makapulot sa seasoning pack ng Lucky Me, at malay mo hindi mo pa panahon, sa araw na to, sensya na lang, hindi pa Lucky You.Tapos may isang kalat kaming napulot, yung patterned na foam, may nakaukit na letrang "Y" sa gitna."Wow, Y," sabi ko."Why?" tanong ni Shino."Oo, Y," sagot ko."Why? May mga bagay lang talagang hindi natin kayang sagutin," sabi ni Shino."Umm... Okay ka lang?"Okay lang daw siya. Seriously?Meron ding napulot si Shino na maliit na laruan, hugis bahay. "Tingnan mo ito o, bahay. Sana may bahay na kami ngayon," sabi niya. Tapos bigla siyang bumulong, "Ba't ba tayo naglilinis ng kalat ng iba? Diba dapat sariling kalat muna natin ang ayusin natin bago natin linisin kalat ng iba?" Hindi na lang ako kumibo, inisip ko baka masyado lang mainit ang araw at kung ano-ano nang nasasabi ng mga tao. Nagpatuloy pa ang paglilinis. Pumunta kami sa lugar na malapit sa daungan, kung saan parang nag General Assembly ang mga kalat sa Manila Bay.
"Looks like we'll never be finished. There's an infinite number of trash," sabi ni Fauve na nasa likod ko. Oo nga, medyo nakakadismaya, pero mali yun sabi ko. Pero bago ako sumagot, hinawi ko muna sa gilid ng tenga ko yung singlet na nagsilbing wig ko kanina. "You know Fauve, it might look pointless now, but there are things we just have to experience. Diba Shino?" Sumang-ayon naman si Shino, ngunit pagkalipas ng ilang minuto, napagod na rin ata siya dahil bigla siyang sumigaw, "BAKIT BA LAHAT NG BASURA PURO PLASTIC!!!"Hindi ko rin alam. Hindi ko na rin alam.Masyado nang mainit, pagod na rin kami, titigil na raw sa paglilinis. "Ano?!?" Sabi ni Shino, "Kung kelan gustong gusto ko na? Bakit ba kung kelan natutuwa na ako saka umaayaw ang mga tao!!!"Maghunos-dili ka, basura pa rin naman pinaguusapan natin diba? Yung kalat sa Manila Bay? Diba?Pagdating namin sa docking area, nakita naming sobrang dami ng kalat. "Naghanap ka pa sa malayo, nasa tabi mo lang pala," hirit ni Shino. Hindi ko na alam kung tatawa ako, o iiyak, o maglalaslas na lang.Bumaba na kami ng bangka, hawak ang mga itim na plastic bag. Sige, nakakolekta ka na ng kalat, nilagay mo na sa plastic bag, tinapon mo na sa basurahan, pero may nabago ba? Ikaw magbabago ka ba?
*Sabay punas ng luha.*
|
|