"Ito yung mga gusto kong gabi," Sabi ni Jay habang naghahanap kami ng mauupuan sa ilalim ng napakalaking langit, "Yung kitang-kita mo yung buwan."Nagkunwari ako ng interes sa malaking bola ng liwanag na nakasabit sa ibabaw ng mundo ko, "Ganda no?"
Tumango lang si Jay, sabay turo sa isang bangkong inalisan ng dalawang babaeng nagtatawanan.
"Ako lang ba o malamig?" Ang walang kwenta kong sinabi para patagalin ang paghihirap ko. Pero totoo. Nanlalamig ako. Nanginginig. Bakit ba hindi ko binaba ang yosi? Ah. Kasi mas mahahalata ang pawang pamamasma ng mga kamay ko 'pag nagyoyosi ako. Ang talino ko talaga.
"Malamig," Sagot ni Jay nang nakaupo na kami, "Ba't hindi mo kasi dinala yung yosi?"
"Oo nga eh!" Gago. Kakasagot ko lang niyan.
Alam nyo yung panahong may dumadating na ibang klaseng tensyon sa dalawang tao kasi wala kayo pareho masabi? Ito yon. 'Takte talagang katahimikan yan, nakakailang. Kasalanan naman niya eh! Wala siyang rason para manahimik. Ako, kaya ako nagkakagan'to kasi pinag-iisipan ko ang katarantaduhang gagawin ko. Maya-maya... Ngayon na.
"Jay, may itatanong ako sa'yo," Kung hindi lang ako sobrang ninenerbyos, pinagtawanan ko na siguro ang sarili ko. Hindi suwabe ang ginawa mo, kapatid. Sobrang hindi.
"Okeeey?" Tiningnan niya 'ko na parang ngayon lang niya 'ko nakita sa buong buhay niya.
Eto na. Eto na talaga, kasama pa ang APO Hiking Society na kumakanta sa loob ng utak ko. Doobeedoobee doo, beedoo beedoo. Huminga ako ng malalim para isang bagsakan na lang ang magsisimula ng aking katapusan. Haah-aaah! Ha. "Naaalala mo ba yung tumawag ako sa inyo nang sobrang madaling araw na sabi ko may kailangan talaga 'kong sabihin sa'yo kaso ginagamit ng kuya mo yung telepono kaya diba sabi mo tumawag na lang ako ulit pero nung tumawag ako tulog ka na?"
"Oy, gising pa ko no'n!" Sagot nyang parang nanghahamon, "Tarantado lang yung utol ko, tinamad maghanap kaya sinabing tulog na 'ko."
HINDI YAN ANG TAMANG SAGOT! Oo o hindi lang ang hinihingi ko, okey lang? Pero siyempre hindi ko sinigaw sa kanya yun. Medyo mahinahon naman ako, "Eh ayun nga. May sasabihin nga ako sa'yo."
Tiningnan niya lang ako. Kung kelan naman kailangan ko ng kahit anong tunog mula sa kanya saka naman siya nag-asal pipi. Sige, okey lang.
"Jay... kasi ahh... ano eh..."
Wow, walang kwenta! Akala ko imbe-imbento lang yung sinasabi nilang palaka sa lalamunan mo. Hindi pala. Totoo pala yun, ngayon ko lang nalaman. Ilang beses kong binuksan ang bibig ko pero puro hangin lang ang lumalabas. Kokak.
"Alam mo Dess, kung nahihirapan kang sabihin, pwede namang hindi ngayon eh," Hirit ni Jay, siguro naaawa na sa'kin, "O kaya kung gusto mo, magpaka-As-Good-As-It-Gets tayo, put it in a note."
Patay. Para akong tangang pipi na ngayon lamang nalaman na marunong pala ako makapagsalita. Naramdaman kong lumayas sa lalamunan ko ang kolonya ni Kermit, "Jay, hindi eh. Kapag hindi ko 'to nasabi ngayon, alam kong hahanapin kita pagkatapos ng ilang taon para lang sabihin 'to. Ayaw naman natin siguro pareho yon. Tsaka wala nang ibang pagkakataon, hindi na naman tayo gano'n kadalas mag-usap eh. At gusto mo ng note? Yung notebook na yung note."
Ah. Yung notebook. Kakabigay ko lang nu'n sa kanya kanina. Matatawag natin siyang isang 'pseudo-literary diary'. Andu'n yung malalaking pangyayari sa buhay ko nung nakaraang taon, yung iba nakasatula, yung iba parang ganito. Lahat ng nagdulot sa'kin ng kagalakan at lahat ng panahon ng pag-aalinlangan, nando'n. Andu'n lahat. Andu'n siya.
"Alam mo bang alam ko na?"
Diyos ko, titigil na po ako manigarilyo sabihin Niyo lang sa'king mali ang narinig ko, "Ha?"
"Sinabi sa'kin ni Rica."
Diyos ko, sabi ko nga ayaw Niyo talagang tumigil ako magyosi eh, "Sinabi sa'yo ni Rica? KELAN?!?"
"Nung naka-threeway tayo tapos nauna ka magbaba ng telepono."
"Bwakanang syit."
"Oy 'wag ka magalit sa kanya ha. Baka sinabi lang niya kasi nakikita niyang nahihirapan ka na."
Tiningnan ko siya na parang ngayon ko lang siya nakita sa buong buhay ko. Saka ko naalalang ako nga pala ang naunang hindi magpaka-ako nang gabing yon. Bumalik ako sa hindi pagiging ako, tiningnan siya sa mata at sinabi ko nang hindi man lamang kumukurap, "So alam mong mahal kita?"
Nagulat akong ibinalik niya ang tingin ko at sinagot ako nang diretso, "Oo."
Tumungo ako. Hindi ko na siya kayang tingnan. Masyadong maraming emosyon ang makikita niya sa mga mata ko. At dahil sa kilala ko siya, alam kong matatakot siya. Narinig ko siyang huminga ng malalim.
"Dess, kahit naman walang nagsabi sakin, alam ko na naman talaga eh. Nararamdaman ko. Hindi ako manhid."
Hindi ko pa rin siya tinitingnan pero tumatango ako. Alam ko rin namang alam niya eh. Pero hindi ko naman 'to sinasabi ngayon para malaman niya eh. Sinasabi ko 'to ngayon para sa'kin. Para matapos na. Pero hindi si Jay ang tipong papabayaan na lang na do'n matapos ang matinding usapan na 'to.
"Bakit?" Tinanong niya sa anit ko.
Natawa 'ko. Ang Tanong. Tiningnan ko na siya ulit. Kung matakot man siya sa makikita niya, kasalanan niya. Nagtanong siya eh. Ang tagal ko siya tiningnan bago ko sinagot yung tanong niya.
"Dalawang lang yan eh. Puwedeng walang rason, o kaya lahat rason."
Sa itsura pa lang niya alam kong kailangan niya nang mas mahabang eksplanasyon. Mukha siyang uod na tinuturuang lumipad.
"Lahat rason kasi lahat ng sinabi mo, lahat ng hindi mo sinabi, lahat ng hindi mo ipinakita at ipinakita mo, lahat ng nagawa ko at lahat ng hindi ko nagawa, lahat ng nangyari at lahat ng mga bagay na hindi nangyari, lahat 'yon rason. At kung lahat 'yon rason, walang rason."
Alam niya nang uod lang siya at hindi niya kailanmang matututunang lumipad.
Naramdaman kong magluwag ang dibdib ko. Oo nga no? Tapos na pala. Nasabi ko na. Nakaamin na ako kay Jay na mahal ko siya. Napasigaw ako ng bahagya, "Hoo!"
Tumawa si Jay. Nagbalik na kami sa aming mga sarili, "Alam mo mas masarap yang hoo mo kapag sinabayan yan ng talon at yosi eh."
Si Jay talaga. Kahit kailan, alam niya kung ano ang kailangan ko sa eksaktong panahong kailangan ko yon.
Tumawa ako at sinundan ang pagtayo niya sa bangkong inuupuan namin, "Yosi."
current mood: reminiscing