![]() |
|
![]() |
|||||||||||
![]() |
![]() |
||||||||||||
Taguan Sana tinanong mo man lang ang mga barkada ko. Kilalang-kilala ka ng mga yun! Medyo wirdo na talaga sila 'pag hindi ka pa rin nila kilala hanggang ngayon. Sa ilang libong beses ko ba namang banggitin ang pangalan mo sa isang araw, sa ilang daang pangarap ang pinaplano kong nadamay ka na, sa isa't kalahati kong pusong umaasang... wala. Basta umaasa lang. Sa totoo lang, sinabihan ako ng barkada ko kaninang 'andun ka nga raw. Napakaiingay nga e! "Hoy, bakla, hinahanap ka 'ata. Parang may kailangan." Pero dahil hindi mo naman alam na ikaw 'yan at ako 'to, sasabihin ko na lang ang tunay na nangyari. *hingang malalim* Ganito 'yan. Pababa ka pa lang ng hagdan, nasabihan na 'ko ng aking masisigasig na mga espiya na parating ka. Sinilip kita mula sa likod ng napakalaking poste, at dahil mababaw lang naman ang kaligayahan ko, nang makita na kita, bumalik na 'ko sa aking pinagkakaabalahan. Tapos ayun na nga, sinabi nga nilang naro'n ka nga raw, hinahanap 'ata ako. Ewan ko kung narinig mo, pero napakatanga ko, hindi ako naniwala. "Ay nako, 'wag niyo 'ko asarin ngayon at may ginagawa ako." Pag-alis mo saka ko lang nalamang nagsasabi pala sila ng totoo. Hinanap mo nga daw ako. Lumapit ka daw kung sa'n kami nakatambay, sumilip ng bahagya, nagkamot ng ulo saka umalis. 'Andun lang kaya ako! Di mo 'ko nakita? At ni hindi mo man lang ako tinawag. Alam mo naman ang pangalan ko. Medyo wirdo ka na talaga kung hanggang ngayon, hindi mo pa rin ako kilala. Eh naging magkaklase kaya tayo nung isang taon? Sa tuwi-tuwi kayang dumadaan ka sa tambayan namin, halos lahat ng tao eh ipinagkakalandakan ang pangalan ko hangga't hindi ka lumilingon. Hangga't hindi ka ngumingiti. Hangga't hindi mo pinalilipad ang isa't kalahati kong pusong umaasang... wala. Basta umaasa lang. Sa totoo lang, hindi naman talaga sobrang bigat ng nararamdaman ko para sa'yo. Kasi hindi naman kita kilala e. Ibig kong sabihin e, kilala kita pero hindi naman kita ganun kakilala. Wala akong alam tungkol sa'yo bukod sa gwapo ka. At parang umaabot sa lahat ng sulok ng katawan mo ang liwanag ng iyong mata tuwing ngumingiti ka. Gwapo ka. Sobra. Yun lang. Pero dahil hindi mo naman alam na ikaw 'yan at ako 'to, sasabihin ko na lang ang totoo. *hingang malalim* Ganito 'yan. Hindi tayo nakapag-uusap ng tulad ng... hinde. Actually, hindi talaga tayo nakapag-uusap. Pero ewan ko. Paminsan nararamdaman kong kilala kita. Siguro dahil marami akong kaibigan sa mga kaibigan mo at dahil alam nila ang epekto mo sa'kin, palagi ka nilang naikikwento. Kaya oo. Oo, marami akong alam tungkol sa'yo bukod sa guwapo ka. Marami akong alam tungkol sa'yo tulad ng alam kong wala kang alam tungkol sa'kin. Alam kong hindi mo alam na naririnig kong kumakanta ang hangin tuwing nakikita kong parating ka. Hindi mo alam na kasabay kong lumilingon ang mga balahibo ko sa paglampas mo. At alam ko ring wala kang kamalay-malay na dumadagundong sa saya ang dibdib ko kapag may kasamang kaway at 'oy!' ang iyong pagdaan. Marami-rami na ring awitin at tula ang naghihintay makadampi sa iyong kamalayan. Hindi mo rin alam na naikwento sa aking gumuho daw ang mundo mo nang magkahiwalay kayo ng babaeng minamahal mo. Akala daw nila matatag ka, pero pagkatapos ng isang malupit na inuman, wala rin. Nalaman nilang tao ka rin nga lang, nasasaktan. Marami daw silang nagising ng pag-iyak mo. Naghahanap ka daw ng sagot sa mga tanong mong buhat ng iyong paghihikahos. Naghahanap ka raw ng karamay sa mga panahong kailangan mo ng kalingang walang katapusan. Naghahanap ka raw ng magmamahal sa'yo ng katulad ng pagmamahal na ikaw lang ang makakapagbigay. Hinanap mo daw ako? 'Andun lang kaya ako! 'Di mo 'ko nakita? Post a comment in response: |
| © 2002-2008. Blurty Journal. All rights reserved. |